MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang mga barangay sa Pasay City na isinailalim sa localized enhanced community quarantine (LECQ).
Umaabot na sa 56 barangay ang naka-lockdown matapos maidagdag pa ang Brgy. 37 noong Miyerkules ng gabi, ayon sa Pasay City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU).
Ayon kay Pasay CESU head Miko Llorca, sa kasalukuyan ay hindi pa masasabing ang mabilis na pagtaas ng mga kaso ay nagmula sa mas mabilis na makahawang B117 variant o UK variant ng SARS-COV-2 virus na una nang na-detect sa isang 46-anyos na babaeng residente ng lungsod.
Isa lamang aniya, ang natukoy na nahawa ng babae mula sa 39 na close contacts nito.
Sa datos ng Pasay CESU, ang hawaan ay sa loob ng magpapamilya.
Ayon sa Pasay Public Information Office, naisagawa na ang contact tracing hanggang sa 3rd generation at mga samples na kinolekta pasa mass RT-PCR testing ay naipadala na para sa genome sequencing.
Nakatutok ngayon ang lokal na pamahalaan sa mass RT-PCR testing; pagdaragdag ng isolation facilities; pagtukoy sa mga barangay kung may 3 kaso na para isailalim din sa LECQ; pagbibigay ng health aid sa mga apektadong constituents; at regular na monitoring ng mga kaso.
Nagsimula ang 14-day lockdown sa 33 barangay noong Pebrero 20 na sa loob ng 4 na araw ay umakyat na sa 56 barangay o 97 households.
Ang Pasay City ay binubuo ng 201 barangay na napapaligiran ng mga terminal ng bus, airport at entertainment sites.