1 pang pulis dinukot sa Maynila
MANILA, Philippines — Isa na namang pulis ang dinukot ng armadong grupo ng mga lalaki, kahapon ng umaga sa Sta. Mesa, Maynila.
Kinilala ni Manila Police District (MPD) Director BGen Leo Francisco ang biktima na si Patrolman Real Lopez Tesoro, 41, na residente ng Sta. Mesa, Maynila.
Sa ulat, dakong alas-10:05 ng umaga nang dukutin si Tesoro sa may V. Mapa Extension sa Sta. Mesa.
Sa salaysay ng kinakasama ng biktima na si Mary Ann Gervacio, 31, sakay sila ng kanilang kotse nang harangin ng isang itim na SUV (sports utility vehicle). Apat na armadong lalaki at isang babae ang sapilitang nagsakay sa biktima sa SUV saka humarurot sa pagtakas.
Agad na ipinag-utos ni Francisco ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang kinaroroonan ng biktima para masagip ito at maaresto ang mga salarin.
Nabatid na dating nakatalaga si Tesoro sa MPD Jose Abad Santos Station 7 (PS-7) at sa Regional Personnel Holding and Accounting Section (RPHAS) ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) makaraang masangkot sa isang kaso.
Unang dinukot noong Pebrero 18 si PCpl Allan Hilario ng Meisic Police Station 11. Inamin ni Gen. Francisco na hanggang ngayon ay wala pa rin silang impormasyon sa kinaroroonan ng pulis at hindi pa tukoy ang mga taong dumukot sa kaniya.
- Latest