4-buwang sanggol sa Pasay, positibo sa COVID-19
55 baranggay na ang naka-lockdown
MANILA, Philippines — Isang 4-buwang sanggol ang natuklasan ng city health office na nagpositibo sa COVID -19 sa Pasay City.
Nangako naman ang Pamahalaang Lungsod ng Pasay na bibigyan ng ibayong tulong ang pamilya ng sanggol.
“Makakaasa po silang mag-ina ng tulong mula sa ating lokal na pamahalaan sapagkat bilang isang ina rin ay talagang nag-aalala ako at hindi ko po maisip ang aking gagawin kung malalagay sa panganib ang aking anak na sanggol,” ayon kay Mayor Emi Calixto-Rubiano.
Sinabi ng nurse na si Mark Anthony Ejercito Castillo, nakatalaga sa City Disaster Risk Reduction and Management Office , na siyang unang rumesponde ng malaman nila na positibo sa COVID-19 ang beybi, na inilipat na nila sa MOA Quarantine Facility ang sanggol kasama ang kanyang 23-anyos na ina.
Samantala, nagpapasaklolo na sa Department of Health (DOH) ang lokal na pamahalaan ng Pasay City makaraang umakyat na sa 55 ang bilang ng barangay na naka-lockdown habang pinangangambahan rin na posibleng UK variant ng COVID-19 ang kumakalat.
Nais ni Mico Llorca, officer-in-charge ng Pasay City Epidemiology and Surveillance Unit na isailalim sa “genome sequencing” ang mga samples sa siyudad para makumpirma kung anong variant ng COVID-19 ang tumama sa kanila dahil sa hindi pangkaraniwang hawahan.
“Kasi nagkaroon po kami ng report ng UK variant nung February 12, kumbaga, yung pinapakita niyang criteria, medyo pasok eh. Kasi nga, unusual, tapos ang bilis po magkahawahan,” ayon kay Llorca.
Umakyat na sa 395 ang active cases sa lungsod kung saan 66 sa mga kaso ay magkakasama sa bahay kabilang nga ang mag-ina
- Latest