MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang tatlo nilang kabaro sa isang operasyon sa Malate, Maynila makaraang isangkot sa pagpatay sa isang Korean national kamakailan sa Valenzuela City.
Kinilala ni Manila Police District (MPD) Director BGen. Leo Francisco ang mga naarestong pulis na sina Cpl Darwin Castillo, SSG Carl Legazpi at Cpl Samruss Inoc, pawang nakatalaga sa Roxas Boulevard Police Community Precinct (PCP) ng Malate Police Station 9 (PS-9).
Isinasangkot ang mga suspek sa umano’y pagpatay sa Korean National na si Sunuk Nam, 55, na natagpuang wala nang buhay sa isang bakanteng lote sa tapat ng St. Angelus Cemetery, Purok 4, Area 6, G. Marcelo St., Maysan, Valenzuela City dakong alas-7:00 ng umaga noong Pebrero 15, 2021.
Batay sa ulat, dakong alas-3:00 ng hapon noong Pebrero 21, 2021 nang makipag-ugnayan ang Valenzuela City Police Station at Northern Police District (NPD)-Special Investigation Task Group (SITG) tracker team, kay MPD-PS 9 chief, Lt. Col. Cristito Acohon, para sa isinasagawa nilang hot pursuit operation.
Natukoy umanong sangkot ang tatlo sa krimen matapos na makaaresto ang Valenzuela City Police ng walong suspek pa sa kaso.
Kaagad na ikinustodiya ni Acohon si Inoc na naabutan sa Roxas Blvd. PCP, habang si Castillo naman ay naaresto ng tracker team sa Quarantine Control Point (QCP) sa Baywalk, Roxas Boulevard. Naka-duty naman si Legazpi bilang security team member na idineploy sa Mendiola St. sa isang rally nang siya ay arestuhin.
Kaagad na dinala ng SITG tracker team sa Valenzuela City Police Station ang tatlong pulis para isailalim sa imbestigasyon. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaso laban sa kanila.