MANILA, Philippines — Matapos "mawasak" sa pag-ibig, nangwasak din ng jeep at nanuntok ng ilang pasahero ang isang lalaki sa North Caloocan, Linggo ng gabi.
Bandang 11 p.m. nang malasin ang isang pampasaherong jeep sa baranggay Bagong Silang matapos mapagdiskitahan ni Zaldy Buena, na noo'y humaharap daw sa mga personal na problema.
Related Stories
Basag ang wind shield, head lights at pinagtatanggal ng lalaki ang magkabilang side mirror nito matapos ang insidente. Hindi pa nakuntento, sapak din ang inabot ng ilang pasahero.
"Wala eh, talagang ano lang. Siguro... problema sa ano lang, pag-ibig ganoon... Walang ka-date eh," ayon sa suspek na si Buena sa panayam ng GMA News.
"Pasensya na kayo mga kaibigan. Pasensya na kayo."
Sabi ng tsuper ng jeep na si Nestor Jasmin, napababa agad siya ng sasakyan matapos makatikim ng suntok mula kay Buena para makaiwas sa gulo: "Nagtawag na kami ng baranggay," wika niya.
Doon na raw kumuha ng tubo ang salarin at pinaghahampas ang jeep sa pagbaba ng mga pasahero nito.
"Pagdating po rito ng tao na ito, ano pa rin siya, nagwawala pa rin siya siguro dahil sa tama ng alak," ani Randy Rias, Barangay Police Security Officer ng barangay 176.
Hindi naman daw kilala ni Buena ang mga nadamay na biktima at nangakong babayaran ang mga napinsalang ari-arian dahil sa pag-aamok.
Sa kabila niyan, desidido pa rin sina Jasmin na magsampa ng kaso lalo na't pagmamay-ari raw ng kanilang operator ng sasakyan.
Sa huling ulat ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong ika-12 ng Pebrero, sinasabing 18% ng Filipino adult population ang "walang love life" pagdating sa pag-aaral na kanilang ginawa noong Nobyembre 2020.
"[T]he latest percentage of those with no love life is a new all-time high that surpassed the previous record of 14% in 2016, 2017, and 2019," ayon sa SWS nitong Biyernes. — James Relativo