MANILA, Philippines — Tatlong bagong platform monitors ang inilagay ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa kanilang Santolan Station.
Ayon sa MRT-3, makatutulong ito para higit pang mapalakas ang seguridad sa kanilang rail line.
Nabatid na dalawa sa mga bagong platform monitors ay inilagay sa platform areas ng istasyon, sa magkabilang boundary.
Magsisilbi anila itong guide para sa mga platform marshal sa mga pasaherong sasakay ng tren.
Ang isa pa namang monitor ay ipinuwesto naman sa station control room, para magamit sa monitoring para na rin sa kaligtasan ng mga pasahero.
Noong nakaraang taon, tig-tatlong platform monitors na rin ang inilagay ng MRT-3 sa kanilang North Avenue Station, Quezon Avenue Station, GMA-Kamuning Station at Cubao Station kaya’t sa kabuuan ay mayroon nang 15 platform monitors ang MRT-3 sa kanilang mga istasyon.
Ang MRT-3, na bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA, ang siyang nag-uugnay sa North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City.