MANILA, Philippines — Isang surprise drug test ang isinagawa ng Eastern Police District (EPD) sa kanilang mga tauhan kahapon ng umaga.
Nabatid na idinaos ang biglaang drug testing sa mga personnel ng EPD dakong alas-8:00 ng umaga matapos ang regular na flag raising ceremony sa distrito nitong Lunes.
Mismong si EPD Director PBGen. Matthew Baccay ang nanguna sa pagsailalim sa naturang surprise drug testing na ipinasilidad ng EPD Crime Laboratory.
Ayon kay Baccay, ang naturang aktibidad ay isinagawa bilang pagtalima sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Debold Sinas na linisin ang hanay ng PNP laban sa mga pulis-iskalawag.
Matatandaang nito lamang Enero 13 ay isinailalim na rin sa drug testing ang may 76 na pulis ng EPD at dalawa sa kanila ang nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga.
Kaagad namang ipinag-utos ni Sinas ang pagtatanggal sa serbisyo sa mga naturang pulis matapos na magpositibo muli sa paggamit ng ilegal na droga sa confirmatory test na isinagawa sa kanila.