MANILA, Philippines — Balik operasyon na ang mga tricycle sa Navotas at Malabon matapos ang matagal na pagbabawal sa mga ito dahil sa banta ng COVID-19.
Ito ang ipinabatid ni Malabon Rep. Jaye Lacson-Noel matapos na magpirmahan ng memorandum of agreement (MOA) sina Navotas Mayor Toby Tiangco at Malabon Mayor Lenlen Oreta na nagpapahintulot sa balik-operasyon ng mga tricycle drivers sa kani-kanilang mga ruta.
Ayon sa kongresista, sadyang naapektuhan ang napakaraming tricycle drivers at maging ang mga commuters nang ipagbawal ang pamamasada ng mga ito sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Aniya, maraming residente sa Novatas ang nagtatrabaho sa Malabon gayundin ang Malabon sa Navotas na sumasakay ng tricycle.
Pagkakataon na rin ito sa mga tricycle drivers na muling ibalik ang kanilang kabuhayan. Subalit ayon kay Noel, kailangan na sumunod sa batas ang mga drivers upang maiwasan ang anumang mga aberya at gulo na posibleng magtanggalan ng kanilang mga permit.
Sa ilalim ng MOA, mahalagang may permit at sticker ng magkabilang lungsod ang mga pampasadang tricycle units upang maayos silang makabiyahe.