Tubig sa Marikina River tumaas: Daan-daang residente, inilikas
MANILA, Philippines — Daan-daang residente ng Marikina City ang napilitan na namang magsilikas ng kanilang mga tahanan matapos na tumaas ang antas ng tubig sa Marikina River dahil sa magdamagang pag-ulan sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, kahapon ng madaling araw.
Batay sa ulat ng Marikina City Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO)/Rescue 161, dahil sa walang tigil na pag-ulan kamakalawa ng gabi ay nagpatuloy ang pagtaas ng tubig sa Marikina River, at umakyat sa ikalawang alarma.
Hudyat ito na kailangan na ang paglikas ng mga residenteng nakatira sa mga mababang lugar.
Itinaas ang unang alarma ganap na ala-1:15 ng madaling araw at pagsapit ng alas-4:30 ng madaling araw ay umabot na sa 16.2 meters ang lebel ng tubig sa ilog.
Kaagad namang inilikas ang mga residente na nasa mababang lugar.
Inaasahang tuluyan na ring papayagang makauwi ng kanilang mga tahanan ang mga pamilyang dinala sa mga evacuation centers sa sandaling tuluyan nang bumaba ang tubig sa ilog.
Ayon sa state weather bureau na PAGASA, ang magdamagang pag-ulan ay dulot ng ‘tail-end of frontal system’ o ang boundary ng easterlies at hanging amihan.
- Latest