Imbes payagan ang mga bata sa malls
MANILA, Philippines — Mas pabor ang mga miyembro ng University of the Philippines-OCTA Research Group na ibalik na lamang ng pamahalaan ang ‘face-to-face classes’ kaysa pagpayag na makalabas ang mga bata para makapunta sa mga shopping malls.
Ito ang reaksyon ni Prof. Guido David ng UP-OCTA, ukol sa muling panukala ng Department of Trade and Industry (DTI) na payagan nang makalabas ang mga bata na may edad 10-taong gulang at makapasok sa mga shopping malls para makatulong sa pagpapalakas ng ekonomiya.
“I mean hindi natin pinapayagan ‘yung school pero papayagan natin sila magpunta ng mall? Parang ‘di lang consistent ‘yung messaging na pwede silang pagala-gala pero ‘di sila nag-aaral. Kung ganun lang e di ibalik natin ang school. Mas importante ‘yun,” giit ni Guido .
Ipinunto pa ng propesor na hindi naman malaking tulong sa ekonomiya ang mga bata dahil sa hindi naman sila ang mga breadwinners ng kanilang pamilya.
Ipinaalala pa niya na hindi pa kasali ang mga bata sa mga bibigyan ng bakuna kaya hindi pa rin dapat hayaan na pagala-gala ang mga ito.