MANILA, Philippines — Libo-libong deboto pa rin ang dumalo kahapon sa mga misa para sa Pista ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan, Maynila sa kabila ng patuloy na umiiral na ‘health protocols’ dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD) monitoring center, tinatayang nasa 7,000 deboto ang dumalo sa mga misa sa Santo Niño de Tondo Parish habang higit isang libo ang nakadalo sa misa sa Santo Niño de Pandacan kahit na sumasailalim pa ito sa pagkukumpuni makaraang tupukin ng isang sunog noong Hulyo 2020.
May kapasidad ang Santo Niño de Tondo Parish na maglaman ng 3,000 ngunit nasa 300 lamang ang pinapayagan sa loob ng simbahan habang 300 ang kapasidad ng Santo Niño de Pandacan pero 150 ang pinapayagan sa loob.
Naging payapa at maayos ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Santo Niño sa kabila ng mahigpit ang pagpapatupad ng physical distancing, pagsusuot ng face mask at shields, at pagsagot sa contact tracing forms.
Una nang ipinagbawal ni Manila City Mayor Isko Moreno ang pag-inom ng alak sa Tondo at Pandacan, street parties, prusisyon, at iba pang uri ng selebrasyon na lalabag sa ipinatutupad na ‘minimum health protocols’ sa COVID-19.
Sa kaniya namang homily sa Santo Niño de Tondo Parish, nanawagan si Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Archdiocese of Manila, sa mga Katoliko na labanan ang lumalala ngunit hindi masyadong napagtutuunan ng atensyon na problema sa pang-aabuso sa mga bata tulad ng ‘child pornography’.
Aminado naman ang obispo na ang pag-abuso sa mga bata ay isang problema rin na kinakaharap ng Simbahang Katoliko partikular ang pagkakasangkot ng ilan nilang mga pari.