MANILA, Philippines — Pinalawig pa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng isang linggo ang deadline para sa Road Clearing Operation 2.0 (RCO 2.0) na isinasagawa ng mga local government units (LGUs) sa bansa.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, kasunod na rin ito ng kahilingan ng LGUs na bigyan pa sila ng mahaba-habang panahon para matanggal ang mga road obstructions sa kani-kanilang nasasakupan.
Sinabi ni Malaya na pinagbigyan naman ng DILG ang kahilingan ng mga LGUs, kaya’t sa halip na hanggang Enero 15 ay ginawa itong hanggang Enero 22, 2021 na lamang, habang ang balidasyon nito ay magsisimula sa Enero 25, 2021.
Ani Malaya, pumayag silang palawigin ang deadline dahil na rin sa pandemyang nararanasan ngayon sa bansa.
Matatandaang noong nakaraang taon, inianunsiyo ng DILG ang pagpapatuloy ng RCO 2.0 noong Nobyembre 16, 2020, at binigyan ang mga LGUs ng 60-araw upang tumalima sa kautusan ni Pang. Rodrigo Duterte na alisin ang mga illegal obstructions sa mga kalsada at ibalik ang mga kalsada at mga pangunahing lansangan sa mga mamamayan.