MANILA, Philippines — Maaaring kanselahin ng mga simbahan ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan sa Maynila ang mga misa sa kapistahan nito kung magkakaroon ng kaguluhan sa hanay ng mga deboto o may matinding paglabag sa health protocols ukol sa COVID-19 pandemic.
Kapwa sinabi kahapon nina Fr. Estelito Villegas ng Sto. Niño de Tondo at Fr. Gilbert Kabigting ng Sto. Niño de Pandacan na susundin nila ang desisyon ng Manila Police District (MPD) na ipatigil ang pagsasagawa ng misa kung mangyari ang ‘worst case scenario’ ng kaguluhan o magdesisyon ang tao na magsagawa ng sarili nilang uri ng selebrasyon tulad ng ‘street party’.
Una nang napagdesisyunan na limitahan ngayong taon ang mga misa sa kapistahan ngayong Enero 16-17. Mula 33 misa kada taon, 11 misa na lamang ang isasagawa ng Sto. Niño de Tondo church at 300 tao lamang ang maaaring papasukin sa loob ng simbahan mula sa kapasidad nito na 2,000.
Sa bagong kumpuni na Sto. Niño de Pandacan Parish, siyam na misa na lamang ang gagawin mula sa dating 15 habang 150 lamang ang lalamanin ng simbahan mula sa dating 700 kapasidad.
Mamimigay ng ‘contact tracing forms’ sa bawat papasok sa simbahan habang magsasagawa ng ‘disinfection’ sa tuwing matatapos ang isang misa bago papasukin ang mga susunod na dadalo. Hindi papapasukin ang mga menor-de-edad at senior citizen na may edad 65-pataas habang mahigpit ding ipagbabawal ang mga vendors.
Sakaling makansela ang mga misa, magpapatuloy pa naman ito ngunit masasaksihan na lamang ng mga deboto sa pamamagitan ng ‘online streaming’ sa Facebook. Maglalagay rin ng LED wall sa labas ng simbahan para mapanood ang nagaganap na misa.
Ilan pa sa kinansela ngayong taon ay ang kumpilang bayan, Lakbay Barangay (kung saan mag-iikot yung image ng Sto Niño) at Lakbay Parokya (kung saan pumupunta sa ibang cities yung Sto Nino), Lakbayaw, mga motorcade at pagbendisyon sa mga imahe ng Sto. Niño, mga prusisyon, street parties, pagtitinda ng alak at binyagan sa Tondo.