MANILA, Philippines — Isang chemical weapon ang iniwan ng ‘di kilalang salarin sa nakaparadang sasakyan ng isang junkshop owner sa Brgy. Commonwealth, Quezon City kahapon ng tanghali.
Nabatid na isang “105mm projectile” na sinasabing isang uri ng chemical weapon ang natagpuan ni Sonny Libunao, 57, na iniwan ng ‘di kilalang lalaki sa loob ng kanyang Perry Mazda L300 habang nakaparada sa Kilyawan St., Brgy. Commonwealth.
Ayon kay Libunao sa Batasan Police Station 6 (PS 6), ipinarada niya ang kanyang sasakyan sa naturang lugar upang kumain ng tanghalian. Gayunman, pagbalik niya sa sasakyan dakong alas-12:30 ng tanghali ay dito na niya nakita ang 105mm projectile kaya’t agad itong inireport sa pulisya sa pangambang sumabog ito.
Kaagad na rumesponde ang mga tauhan ng PS-6 sa pangunguna ni P/Lt. Novelson Maanao, at maingat na kinuha ang nasabing projectile at saka itinurn-over kay PLt. David Gundayao ng QCPD-Explosive Ordinance Division (EOD) para sa kaukulang safekeeping.