QUEZON CITY, Philippines — Tinupok ng apoy ang bahagi ng Land Registration Authority (LRA) sa kanto ng East Avenue at NIA Road sa Brgy. Pinyahan, Quezon City kahapon ng umaga.
Ayon kay F/Chief Insp. Joseph Del. Mundo, chief of operations ng Bureau of Fire Protection-QC, nasunog ang bahagi ng Information Technology (IT) Center na matatagpuan sa ikalawang palapag ng gusali, at inookupa ng pribadong subcontractor ng LRA, na LARES Inc..
Nabatid na dakong alas-5:00 ng madaling araw nang magsimulang sumiklab ang sunog. Kinailangan pa ng mga bumbero na basagin ang bintana ng gusali at gumamit ng hagdan para maapula ang apoy.
Dakong alas-6:40 na ng umaga nang tuluyang ideklarang fire out ng mga bumbero ang sunog na sinasabing nagsimula sa computer room. Wala namang mga dokumento sa loob ng IT Center ang nasunog at wala ring naiulat na nasaktan sa insidente.
Samantala, nang mabalitaan naman ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Atty. Persia Acosta ang pangyayari ay kaagad siyang sumugod sa lugar dahil halos kadikit lang ng kanilang opisina ang gusali ng LRA.