MANILA, Philippines — Pangkalahatang naging payapa at maayos ang naging pagdaraos sa Pista ng Itim na Nazareno sa kabila na walang naganap na aktuwal na Traslacion o prusisyon kahapon, sa Maynila.
Aminado si Manila Police District, Director P/Brigadier General Leo Francisco na may kahirapang pasunurin ang ilang deboto sa ilang lugar na dinagsa ng mga nagnais na makapasok sa Minor Basilica sa kabila ng dami ng mga pulis, augmentation forces mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at force multipliers na nangasiwa sa control points.
Nabatid na kahit maayos ang mga pila ng mga deboto, may ilang side streets pa ang ginawang lusutan ng ilang deboto para mas makabilis na makalapit sa Quiapo church.
Ayon kay Francisco, umaga pa lang makatapos ang 3 misa ay nasa tinatayang 400,000 deboto na ang nagtungo sa Quiapo, kung saan 300,000 ang nagmula sa pila sa Quezon Boulevard at 100,000 sa Palanca side.
Nilinaw ni Francicso na ‘come and go’ ang mga deboto kaya’t hindi ito base sa crowd estimate dahil sa bawat pagtatapos ng misa ay umaalis na sa Quiapo ang mga tao at panibagong batch naman ang nakakapasok sa control points na naghihintay naman para makapasok sa mismong simbahan sa pagdalo ng misa na nagpatupad lang ng 30% kapasidad o 400 katao
Maayos din aniya, ang daloy ng trapiko at walang naging heavy traffic na naengkuwentro sa kabila ng mga pagsasarado ng mga kalyeng nakapalibot sa erya ng Quiapo dahil sa ipinatupad na mga rerouting.
Nasa 10 motorsiklo naman ang hinatak ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na pag-aari umano ng mga deboto. Siningil umano ng guwardiya ng isang hotel ang pag-parking sa kanilang sidewalk ng P40. kada isa, na ayon sa MTPB ay hindi awtorisado.
Tatlo ang naitalang nasaktang deboto kabilang ang isang babaeng hinimatay matapos ang pag-novena sa bahagi ng Q. Boulevard ang dinala sa Manila Doctor’s Hospital; isang lalaki na nabaldog pa ang ulo nang mahimatay sa harap ng Plaza Miranda; at isang babae na nabalian ng braso habang namimigay ng mineral waters sa mga deboto.