Dacera case ‘not yet closed’, mga suspect ‘di pa lusot
MANILA, Philippines — Suportado ng Malacañang ang naging desisyon ng Makati Prosecutor’s Office na nanawagan ng ‘further investigation’ sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera, kasabay nang panawagan naman sa publiko na huwag gumawa ng mga espekulasyon sa kaso.
Sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na ang pagsasagawa ng preliminary investigation ay makakatulong para malinawan ang insidente.
“Iyan po’y makakabuti dahil ang gusto ng piskal ay magkaroon ng additional na ebidensiya nang sa gayon kapag naisampa sa kaso, diri-diretso na po sa Muntinlupa [New Bilibid Prison] ang mga magiging akusado,” dagdag pa ni Roque.
“Obviously po dahil mayroon pang hininging ebidensiya ang ating fiscal, [the] case is not yet closed.”
“They are not yet off the hook. Hindi namin dini-dismiss ang kaso, in fact, nilagay lang namin sa full-blown preliminary investigation ito para lahat ng ebidensiya pumasok from both parties.”
Ito ang naging paglilinaw kahapon ni Prosecutor General Benedicto Malcontento sa panayam sa kaniya ng radyo DZBB, kasunod sa naging kautusan ng Makati Prosecutor’s Office kamakalawa na pansamantalang palayain ang tatlo sa 11 itinuturing na respondents sa isinampang reklamong rape with homicide kaugnay sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Angelica Dacera.
Aniya, sa proseso, may 60 araw para sa preliminary investigation kung saan titignan ang gravity ng inihaing reklamo kaugnay sa pagkamatay ni Dacera.
Samantala, sinabi rin ni Malcontento na wala silang nakitang paglabag sa panig ng Makati Police na idetine ang mga suspek dahil kailangan na iprisinta sila sa piskalya sa inquest proceedings sa loob ng 36 oras matapos ang insidente.
Gayunman, kaya lamang iniutos ng Makati Prosecuto ang ‘release for further investigation’para sa 3 respondents dahil wala silang nakitang dahilan ng continuous detention.
Sakali aniyang, may makitang ebidensiya sa imbestigasyon maaari namang mag-isyu ng preventive hold departure order laban sa mga respondents upang hindi makalabas ng bansa habang hindi pa sumasampa sa korte ang kaso subalit sa kasalukuyan ay wala pa umanong ‘solid evidence” dahil kulang ang autopsy report.
Sa ngayon ay hinihintay pa ng prosekyusyon ang isusumiteng official reports ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) bilang ebidensiya para magkaroon ng conclusion sa inihaing reklamo at masimulan ang preliminary investigation.
Samantala matapos isailalim sa pangalawang autopsy, naiuwi na rin sa Gen. Santos City ang mga labi ni Christine.
Sinimulan na rin kahapon ng NBI ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa naturang insidente.
- Latest