MANILA, Philippines — Aabot sa halos 25,000 pangalan ng mga pekeng ‘senior citizen’ na taun-taong nangongolekta ng pension at cash gifts ang nadiskubre ni Manila City Mayor Isko Moreno sa ginawang pagsalakay sa isang opisina sa Binondo, Maynila kamakailan.
Sa naturang pagsalakay, nadiskubre ang mga pekeng senior citizen identification cards, pasaporte at maging mga pekeng P1,000 bills.
Dito nagsagawa ng manu-manong pagsusuri ang Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) sa kanilang listahan kung saan nadiskubre na 24,700 sa mga pangalang nasa talaan ay mga ‘non-existent’. Nangangahulugan na aabot umano sa P148 milyon ang nawawala sa kaban ng Maynila kada taon sa mga benepisyong hindi napupunta sa mga totoong benepisyaryo.
“Mga walanghiya, pati benepisyo ng mga tao ninanakaw.tignan nyo, nahirapan mga senior kaya kami nag-manual,” diin ni Moreno. “Kaya ‘di n’yo ko masisisi na maging masinop dahil bago pa ako mag-mayor, inabuso ito (OSCA IDs). Pineke nang pineke. kaya nga sinisinop ko, pero kahit pano ni-release namin manual,” dagdag pa niya.
Nagresulta rin ito sa pagbagal ng proseso sa pagbibigay ng mga benepisyo ng mga senior citizen na dapat ay naibigay na lahat noong nakaraang Disyembre. Dito rin dinadagsa ang alkalde ng mga reklamo sa mga totoong senior citizens na hindi pa nakakatanggap ng kanilang ayuda na P500 monthly allowance.