MANILA, Philippines — Prangkahang inamin ni NCRPO chief Brig. Gen Vicente Danao Jr., na ang paghaharap ng provisional charges laban sa mga suspects sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Angelica Dacera ay maituturing na premature o napaaga.
Kinalampag din umano niya ang Makati City police sa nagmamadaling paghaharap ng kaso kahit wala pang conclusive evidence na pinatay si Dacera.
“ Definetly there is no conclusive evidence that somebody killed her. Actually, I have to be very frank”, pahayag pa nito sa interview sa “The Chiefs” na umere sa Cignal TV’s Onew News ng TV5.
Malaki naman ang kaibahan nito sa naging deklarasyon ni PNP chief Gen. Debold Sinas na nagsabing ang nangyari sa 23-anyos na flighjt attendant ay kaso ng rape/slay.
Magugunitang kamakalawa ay inihayag ni Sinas na base sa naging pag-uusap nila ng mga imbestigador at senior officers, lumalabas na merong naganap na rape. Binanggit pa nito ang mga pasa sa katawan ni Dacera maging ang laceration at seminal fluid sa kanyang ari.
Habang nagpe-presscon ay katabi ni Sinas si Danao na noon ay tahimik lang na nakikinig.
Nauna nang nagharap ng reklamo ang Makati City police laban kina John dela Serna III, 27; Rommel Galida, 29 at John Paul Halili, 25 na ngayon ay nasa kustodya na ng pulisya. Habang walo pa ang nananatiling laya.
Idinagdag pa ni Danao, na masyadong maaga para sabihing pinatay si Dacera, lalo na nga’t walang testigo na lumulutang para tukuyin kung sino ang mga ito.
“There is no other evidence or conclusive evidence na magtuturo na meron doon sa eleven” , pahayag pa nito.
Sa anggulo ng rape hindi pa rin ito malinaw, kailangan pa rin ang matibay na ebidensya.
“Sabi nila may semen. Ang tanong is sino doon sa eleven ang nang-rape,” dagdag pa nito.