MANILA, Philippines — Hinihingan ng paliwanag ng mga konsehal si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan kung saan-saan at paano ginamit ang mahigit P1 bilyong supplemental budget na inaprubahan ng konseho para tugunan ng lokal na pamahalaan ang pangangailangan ng mga mamamayan sa panahon ng pandemya.
Sa ipinadalang liham nila City Councilors Christopher Malonzo, Ma. Rose Mercado, Alexander Mangasar, Ricardo Bagus at Marylou Nubla, pinaalalahanan nila si Malapitan na itinakda ng inaprubahang ordinansa para sa supplemental budget ay ang pagsusumite ng alkalde ng written report kada ika-labing limang araw kung paano nagamit ang pera.
Kabilang sa mga nakasaad sa ordinansa ay ang alokasyon ng P92,245,176.75 at P33, 964, 325.31 para sa pagbili ng relief goods, pagbibigay ng social amelioration, medical services, supplies and equipment at pagtulong sa para makaahon ang ilang sektor na naapektuhan ng covid-19. Para naman sa hazard pay ng mga pumasok na casual at permanent employees kahit may peligro ng covid ay naglaan ang konseho ng P11,176,000 at P17,787,000.00.
May inilaan din ang konseho para sa cash food assistance o P1,000 sa bawat mamamayan ng lungsod na umaabot sa P368,626,556 at P131,373,443.51.
Sa COVID response naman na ang lead implementor ay ang City DRRMO, naglaan ang konseho ng P265,364,355 samantalang P4,444,465.50 naman para sa pagbabayad ng Special Risk Allowance sa regular at casual employees ng City General Services Department.
Binanggit din ng mga konsehal ang paglalaan ng P320,000,000 para sa pagbili ng tablet ng mga estudyante para sa kanilang online classes, P250,000,000 sa welfare goods, P25,000,000 para sa covid patients, drugs and medicines at P105 million para naman sa mobile botica, medical dental and laboratory supplies, testing kits.
Hiniling din ng mga konsehal na isumite ni Mayor Malapitan ang pangalan ng mga kompanya at mga suppliers, contractors at mga kaukulang presyo ng lahat ng binili ng lungsod gamit ang mga pondong inaprubahan ng konseho.