100 pamilya sa Quezon City, nasunugan

Binalikan ng mga nasunugan ang natupok nilang bahay sa pagbabakasakaling may makuha pang mapapakinabangan sa malaking sunog na sumiklab sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Boy Santos

2-araw bago mag-bagong taon

MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa 100 pamilya ang nawalan ng tahanan sa isang sunog na sumiklab sa Brgy. Culiat, Quezon City, nitong Martes ng gabi, dalawang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-9:00 ng gabi nang magsimulang sumiklab ang sunog sa Purok 2, Luzon Avenue, Brgy. Culiat, sa kasagsagan ng pag-ambon sa lugar.

Sinasabing isang live wire mula sa dalawang palapag ng bahay sa lugar, na pagmamay-ari at inookupahan ng pamilya ni Josielyn Batindaan, ang pinagmulan ng sunog.

Nilamon ng apoy ang tinatayang may 50 tahanan sa lugar, bago ito tuluyang naideklarang under control dakong alas-9:57 ng gabi.

Umabot sa ikalimang alarma ang sunog bago naman tuluyang naideklarang fire out pagsapit ng alas-10:05 ng gabi.

Sa pagtaya ng BFP, aabot sa humigit kumulang sa P75,000 ang halaga ng mga ari-ariang natupok sa sunog.

Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa insidente ngunit umaapela ng tulong sa lokal na pamahalaan ang mga residenteng naapektuhan nito lalo na yaong wala pang matutuluyang mga kaanak at walang kahit anong naisalbang gamit o ari-arian.

Show comments