MANILA, Philippines — Kanselado ang taunang ‘fireworks display’ sa Pasay City makaraang maglabas ng kautusan si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ipinagbabawal ang anumang uri ng paputok sa siyudad sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Inilabas ni Calixto-Rubiano ang Executive Order No. 66 na iniuutos ang: Section 1 na ito ay ang total ban sa paputok sa lahat ng lugar sa lungsod at Section 2, ang kanselasyon ng pag-iisyu ng special permit at lugar para sa fireworks display.
Tatamaan ng Section 2 sa naturang kautusan ang taunang fireworks display na isinasagawa ng isang shopping mall sa lungsod na dinarayo ng maraming tao sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sinabi ni Calixto na ang kaniyang kautusan ay nakalinya sa inilabas na Executive Order ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagkokontrol sa paggamit ng mga paputok.
Bukod pa rito, ito ay upang maiwasan din ang taunang bilang ng mga taong nasasaktan at nao-ospital dahil sa paputok lalo na sa mga kabataan.
Tutulong ang Pasay City Police sa pagbabantay at hindi magbibigay ng special permit sa fireworks display para matiyak na walang magaganap na pagtitipon ng maraming tao upang mapigilan din ang pagkalat ng COVID-19.
Sa mga lalabag sa kautusan ay mahaharap sa pag-aresto at kaparusahan.