Skyway Stage 3, bukas na simula ngayong araw
Toll libre sa loob ng isang buwan
MANILA, Philippines — Sisimulan na ngayong araw, Disyembre 29, ang partial opening ng 18-kilometrong Metro Manila Skyway Stage 3 at libre itong magagamit ng mga motorista sa loob ng isang buwan.
Ayon kay San Miguel Corp. (SMC) chief operating officer Ramon Ang, tuluyan nilang bubuksan ang proyekto sa Enero 14.
Sinabi pa ni Ang na sa kabila ng mga pag-ulan na naging sanhi nang pagkaantala ng proyekto, ay natuloy din ang pagbubukas ng proyekto dahil na rin sa pagsusumikap ng kanilang buong team.
Pinasalamatan din naman ni Ang ang administrasyong Duterte sa lahat ng suporta nito para maisakatuparan ang proyekto.
Nabatid na ang SMC ang parent company ng CITRA Central Expressway Corporation (CCEC), na nakakuha ng P44.86-bilyong Skyway Stage 3 Project.
Sakop ng proyekto ang konstruksiyon ng 18.83-kilometrong elevated expressway mula Buendia, Makati City hanggang sa North Luzon Expressway sa Balintawak, Quezon City.
Ang proyekto ang siyang mag-uugnay sa South Luzon Expressway (SLEX) at North Luzon Expressway (NLEX).
Sa pamamagitan nito, inaasahang mababawasan ang oras ng biyahe mula Buendia hanggang Balintawak ng 15 hanggang 20 minuto mula sa kasalukuyang travel time na dalawang oras.
- Latest