MANILA, Philippines — Nailigtas ang isang 30-anyos na Taiwanese national mula sa pagdukot ng dalawa pang kapwa dayuhan sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang mga nadakip na suspek na sina Chan Kea Seng, 36, Malaysian national, translator at Yuqi Yu, (babae), 20, Chinese national, Human Resource Officer.
Nabatid sa ulat ng Makati City Police Station, ang biktimang Taiwanase na si Sung Chuan-Chin, 30, ay dinukot dakong alas-9:40 ng gabi kamakalawa sa Escuela St., Brgy. Guadalupe Nuevo, Makati City.
Nabatid na nagpapatrulya ang pulisya nang may magsumbong na concerned citizen hinggil sa isang dayuhan na pwersahang isinakay sa isang van.
Dahil sa mala-pelikulang eksena ay nasaksihan ng mga bystanders ang pagpalag ng biktima na nagawa pang makatakas subalit mabilis siyang nadamba ng mga suspek at muling ibinalik sa van.
Nang mamataan ng mga suspek ang palapit na mobile car ay nagsitakbuhan ang mga ito subalit mabilis namang nakorner at naaresto.
Hindi pa naidedetalye kung ano ang motibo sa pagdukot sa biktima ng mga suspek dahil sa hirap sa lengguwahe.