Ngayong pandemic
QUEZON CITY, Philippines — Ipinaalala ng Quezon City government na ipinagbabawal ang pagkakaroon ng mga burol ng patay sa loob ng tahanan ngayong panahon ng pandemic.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, mas mainam na sa punerarya na lamang magburol sa mga yumaong kaanak kaysa sa tahanan. Mabilis anya ang posibleng pagkahawa ng mga tao kapag may burol sa bahay dahil maraming mga kapitbahay, kaanak at mga kaibigan ang maaaring magtungo sa burol at magkakaroon dito ng mas maraming tao.
Anya, ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ang pagtitipon ng maramihang tao upang makaiwas ang mamamayan sa pagkahawa ng COVID- 19.
Ayon kay Barangay Community Relations Department (BCRD) head Ricky Corpuz, kung sa funeral parlor gagawin ang burol ay matamang malilimitahan ang tao na pupunta at makatitiyak na maipatutupad dito ang minimum health protocols.
Sa ilalim ng Ordinance No. SP-2907, S-2000 , bawal ang burol ng mga yumao sa mga tahanan at pinapayagan lamang ang burol sa funeral parlor kung ang namatay ay hindi nagka-COVID. Dalawang araw ang burol sa punerarya.
Ang mga nasawi sa COVID ay dapat agad isailalim sa cremation para maiwasan na kumalat ang virus.
Ipinaalala ng lokal na pamahalaan ang batas hinggil dito dahil may nakarating na ulat sa QC hall na may ilang barangay ang pumapayag na makapagburol sa tahanan ang ilang namatayan ng kaanak.
Ayon kay Mayor Belmonte , maaaring makulong ng hanggang 6 na buwan at pagmultahin ng halagang P5,000 ang barangay officials at funeral homes personnel na pumapayag ng burol ng mga patay sa bahay.