Nag-party sa sementeryo, 23 arestado
MANILA, Philippines — Pinagdadampot ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang nasa 23 tao kabilang ang mga bisita na dumalo sa isang binyagan sa Manila North Cemetery dahil sa mga paglabag sa health protocols, kamakalawa ng gabi.
Dinala sa Sta. Cruz Police Station ang mga inaresto na karamihan ay mga bisita na dumayo lamang sa loob ng sementeryo para makipagkasiyahan. Ilan sa kanila ay nakatira sa Blumentritt, Quiapo at Tondo.
Sa ulat, alas-9 ng gabi nang salakayin ng mga pulis ang lugar kung saan inabutan ang mga inaresto na umiinom ng alak at nagkakantahan sa videoke.
Kapansin-pansin din na magkakadikit ang mga bisita at pawang mga walang suot na face masks.
Sinabi ni Police Lt/. Col. John Guiagui, hepe ng Sta. Cruz Police Station, na may nagsumbong sa kanila ukol sa isang party sa loob ng sementeryo, na napag-alamang idinaos matapos ang isang binyag.
Bukod sa paglabag sa mga safety protocols na itinakda ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF), lumabag din ang mga dinakip sa City Ordinance 5555 o ang pagbabawal sa pag-iinuman sa mga pampublikong lugar tulad ng mga kalsada o sa pagkakataong iyon ay sa mga nitso ng sementeryo.
Dahil dito, mahigpit ang babala ng mga pulis sa mga magtatangka na magkaroon ng walang disiplinang kasiyahan na lalagapak sa kulungan sa oras na matiyempuhan ng mga alagad ng batas.
- Latest