Suweldo ng mga nurse sa Maynila, itinaas

Batay sa Ordinance No. 8700, ang salary grade level ng Nurse 1 na katumbas ng Salary grade 11 ay ginawang Salary Grade 15.
AFP/Yonhap

MANILA, Philippines — Masayang pamasko para sa mga nurse ng city-run hospitals ang pag­lagda ni Manila Mayor Isko Moreno sa isang ordinansa na nagtataas ng kanilang suweldo.

Batay sa Ordinance No. 8700, ang salary grade level ng Nurse 1 na katumbas ng Salary grade 11 ay ginawang Salary Grade 15.

Nabatid na maging ang salary grade ng ibang nurse positions ay na-upgrade rin sa ilalim ng Ordinansa.

Ang paglagda ng Ordinance No 8700 ay ginawa alinsunod sa Republic Act No. 9173 o Philippine Nursing Act of 2002, at ang implementing guidelines sa ilalim ng Department of Budget Management Circular No. 2020-04.

“The amount necessary to implement this Ordinance shall be taken from existing and avai­lable funds appropriated for such purpose under the Fiscal Year 2021 Executive Budget,” nakasaad sa ordinansa.

Nabatid na ang suweldo na ngayon ng. Nurse 1 sa local Health Department at sa anim na  district hospitals ay magiging P32,053 - P34,801 kumpara sa da­ting  P22,216 - P24,391 na kanilang tinatanggap.

Sinabi ng alkalde na makatwiran lamang na makatanggap ng mas mataas na suweldo ang mga nurse dahil patuloy silang nagseserbisyo para matiyak ang kaligtasan ng publiko laban sa co­ronavirus disease 2019 (COVID-19).

Tiniyak din ni Moreno na makakatanggap ng ka­ragdagang medical equipments ang mga frontliners na maaari nilang magamit sa pagbibigay ng serbisyo publiko.

Show comments