MANILA, Philippines — Sinasanay na ngayon ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang nasa 316 police trainees sa paggamit ng yantok bilang bahagi ng kanilang defense tactics o self defense.
Ayon kay NCRPO chief Police B/Gen. Vicente Danao, ang paggamit ng yantok ay kailangan ngayong ipinatutupad ang social distancing sa COVID-19. Sa pamamagitan ng yantok, papaalalahan ang publiko ng social distancing.
Aniya, magiging requirement din ito bago sila isabak sa field sa kanilang pagtatapos.
Sinabi ni Danao na ang NCRPO ay patuloy na susunod sa anumang direktiba mula sa Presidente at kay PNP chief Gen. Debold Sinas.
Una rito, ipinag-utos ni Sinas sa mga pulis na gumamit ng baton o yantok sa pagpapatupad ng physical distancing ngayong holiday season.
Hindi gagamitin ang yantok upang manghalibas o manakit ng mga violator.