MANILA, Philippines — Bulagta ang dalawang hinihinalang miyembro ng isang criminal group sa engkuwentro ng PNP-Anti Kidnapping Group sa Payatas, Quezon City, Sabado ng gabi.
Kinilala ang isa sa napatay na si Jhonny Radaza habang inaalam pa ang pagkaka-kilanlan ng kasamahan nito.
Ayon kay Police Major Ronaldo Lumactod, Jr., Chief PIO ng PNP-Anti Kidnapping Group, matapos ang ilang buwang surveillance, nagkasa sila ng buy-bust operation laban sa mga suspek.
Nagpanggap ang isang pulis na bibili ng baril sa mga suspek at nang mabentahan na, nakaramdam ang mga suspek na pulis na pala ang kausap.
Nauwi ito sa engkuwentro, at nagkaroon pa ng habulan, hanggang sa matamaan ang mga suspek at mapatay.
Sa report, napatay si Radaza sa tabi ng motorsiklo sa isang eskinita malapit sa Eagle Street, habang ang kasama-han nito nadala pa sa ospital pero dineklarang dead-on-arrival.
Ayon kay Maj. Lumactod, miyembro ang dalawang lalaki ng notoryus na Waray Waray group at sangkot sa mga serye ng kidnap-for-ransom sa Metro Manila at karatig-probinsya.
Dagdag pa ni Lumactod, base sa intelligence reports, kasama rin ang mga suspek sa grupo ng mga hitman at posible ring sangkot sa ilegal na droga.