MANILA, Philippines — Pinalakas pa ng Philippine National Police (PNP) ang manhunt operations laban sa mag-asawang opisyal ng CPP-NDF na sina Benito at Wilma Tiamzon matapos masentensyahan ang mga ito ng habambuhay na pagkakabilanggo sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa apat na sundalo.
Ang direktiba ay inisyu ni PNP Chief P/Gen. Debold Sinas na sinabing panahon na para pagbayaran ng mag-asawang Tiamzon ang kanilang pagkakasala sa batas.
“Ito po ay makakatulong sa amin para sa susunod na mahuli namin sila ay hindi na sila puwede lumabas,” pahayag ni Sinas sa panayam ng mga reporters sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.
Sinabi ni Sinas na masaya ang pulisya at sa wakas ay nahatulan na rin ang mag-asawa pero tumangging magbigay ng detalye kung may lead ang pulisya sa pinagtataguan ng mga ito.
Ang mag-asawang Tiamzon ay hinatulan ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 216 matapos na mapatunayan ang mga itong guilty sa paglilitis kaugnay ng paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code (RPC).
Akusado ang mag-asawa sa pagdukot sa apat na sundalo sa lalawigan ng Quezon noong 1989. Sina Benito at Wilma Tiamzon bilang mga opisyal ng CPP-NDF ay pinalaya noong 2016 sa bisa ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) bilang mga consultants sa peace talks na isinasagawa sa Norway pero simula nito ay nagtago na ang mga ito.
Samantalang ang peace talks ay bumagsak dahilan sa patuloy na pagkakasangkot ng New People’s Army (NPA), ang armed wing ng CPP-NDF sa paghahasik ng terorismo.