Chinese sinita sa ‘di pagsusuot ng face mask, naghamon pa ng away
MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang lasing na Chinese national nang maghamon ng suntukan at itulak ang security officer na sumita sa kaniya sa ‘di pagsusuot ng face mask habang nasa lobby ng isang condominium tower sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Ipinagharap ng reklamong paglabag sa Revised Ordinance 8627 (requiring mandatory use of face mask) at Article 155 ng Revised Penal Code (Alarm and Scandal) ang suspek na si Ben Zhang Lin, pansamantalang nanunuluyan sa Unit Torre De Manila, sa Taft Avenue, Ermita.
Sa ulat mula kay P/Major Rommel Anicete, hepe ng General Assignment Section ng Manila Police District-dakong alas-12:00 ng hatinggabi nang maganap ang insidente sa lobby ng nasabing condo tower.
Sa imbestigasyon, unang inireklamo sa security guard ng Torre De Manila ng mga okupante ang pagala-galang lasing na suspek na walang suot na face mask sa lobby. Nang lapitan upang pagsabihan ang dayuhan ay itinulak nito ang sekyu at hinamon pa ng suntukan. Nagsisisgaw at nagwawala umano ang suspek kaya humingi ng police assistance sa pulisya kaya naaresto ito.
- Latest