Shelter sa mga inabusong kababaihan, mga bata at LGBTs, binuksan sa Quezon City
MANILA, Philippines — Binuksan na ng Quezon City ang unang local government unit (LGU)-run shelters para sa mga inabusong kababaihan, kabataan at LGBTs bilang bahagi ng paggunita ng lokal na pamahalaan sa 18-Day Campaign na mawakasan ang Violence Against Women (VAW).
Pinangunahan ni QC Mayor Joy Belmonte ang pagbubukas sa Bahay Kanlungan na nagsisilbing temporary shelter para sa mga victim-survivors ng gender-based violence at pang- aabuso.
Ang kakanlungin sa shelter ay dapat naiproseso muna sa hospital-based QC Protection Center sa Brgy. Bahay Toro para matiyak na mailipat ito sa shelter at maaalagaan dito ng hanggang 12 linggo.
“Nagbibigay ang ating protection center ng iba’t ibang tulong para sa kanila, tulad ng medical assistance, legal assistance, at counseling. Ngunit saan natin sila dadalhin kung nararamdaman nilang hindi sila ligtas sa kanilang mga tahanan? Iyan ang pinakalayunin ng Bahay Kanlungan,” pahayag ni Belmonte. Ang shelter ay may 60 kama para sa mga kababaihan, kabataan at LGBTs. Mayroon itong activity area, reading hub, at playing room para sa mga bata at mayroon din itong wifi at isang learning area para sa mga bata na nais mag- online classes at may livelihood training center para sa mga kababaihan at LGBTs.
“Mahalaga ang papel na gagampanan ng ganitong klaseng shelter lalo ngayong may pandemya. Batay sa datos, 25 hanggang 35 porsiyento ang itinaas ng domestic violence sa panahon ng pandemya dahil nasa iisang bahay lang ang biktima at mga gumagawa ng karahasan, na kadalasan ay partner o di kaya’y asawa o kapamilya,” dagdag ni Belmonte.
- Latest