‘One Entrance, One Exit policy’ sa mga pamilihan sa Maynila
MANILA, Philippines — Magpapatupad muli ng “one entrance, one exit policy” ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa lahat ng pamilihan sa siyudad kasunod ng pagkalat ng mga viral photos ng mga mamimili na nagsisiksikan sa Divisoria kamakailan.
Ito ang isa sa napagkasunduan sa pulong kahapon ng mga opisyal ng Manila Police District (MPD), Manila Barangay Bureau (MBB) para mapaigting ang pagpapatupad ng minimum health protocols sa Divisoria. Kabilang sa nasabing pagpupulong ang mga Precinct Commanders at mga Punong Barangay na nakakasakop sa Divisoria, Maynila.
Mahigpit din ang tagubilin ni MPD Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) Chief Major Rosalino Ibay, Jr. sa mga tauhan ang pagpapatupad ng physical distancing sa mga mamimili na inaasahan na patuloy na dadagsa dahil sa nalalapit na ang Kapaskuhan.
Inatasan naman ni MBB Director Romeo Bagay ang bawat Punong Barangay na magtalaga ng mga tauhan na iikot sa mga pamilihang nasasakop ng kanilang lugar upang mapanatili ang kaayusan at magpaalala na magsuot ng face mask at face shield sa mga vendors at mamimili.
Paiigtingin din ang presensya ng mga enforcers mula sa Manila Traffic and Parking Bureau upang mapanatiling maaliwalas at maluwag ang mga daan na dinadagsa na rin ngayon ng mga namamalimos.
- Latest