MANILA, Philippines — Nagdesisyon kahapon ang Motorcycle Taxi Technical Working Group (MC Taxi TWG) na isyuhan ang Angkas ng ‘Provisional Authority to Operate’ sa ilalim ng extended Motorcycle Taxi Pilot Program.
Ito’y habang nakabinbin pa ang confirmation of compliance nito sa operational requirements na itinatakda ng National Task Force (NTF) at ng MC Taxi TWG.
Kabilang sa mga naturang requirements na hindi pa umano natutugunan ng Angkas ay ang probisyon sa insurance para sa rider at pasahero nito sakaling magkaroon ng aksidente, at mandatory use ng thermal scanners upang kaagad na ma-detect kung ang pasahero nila ay mayroong lagnat o wala.
Nabatid na ang naturang Provisional Authority to Operate ay magiging balido, simula Nobyembre 24 hanggang Disyembre 9, 2020 lamang.
Sa sandali naman anilang maka-fully comply na ang Angkas sa mga nabanggit na requirements, ay kaagad na silang iisyuhan ng Certificate of Compliance ng MC Taxi TWG.
Matatandaang umarangkada na muli nitong Lunes, Nobyembre 23, ang pilot testing sa mga motorcycle taxis, alinsunod sa rekomendasyon ng Inter -Agency Task Force (IATF) on COVID-19.
Bukod sa Angkas, kasama rin sa kalahok sa naturang pilot testing ang JoyRide at MoveIt.