Sa ginawang pag-aaral ng MMDA at UP
MANILA, Philippines — Pasado ang naging grado ng Metro Manila sa isinagawang pag-aaral ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng University of the Philippines-College of Mass Communication Foundation Inc. (UPCMCFI) ukol sa pagtalima ng mga lokal na pamahalaan sa polisiya laban sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
Binigyan ng MMDA at ng UPCMCFI ang Metro Manila ng grado na “satisfactory” hanggang “very satisfactory” sa pagsunod sa nilalaman ng “anti-smoking policy”.
Ito ay sa kabila na sa limang lungsod lamang isinagawa ang pag-aaral na kinabibilangan ng mga siyudad ng Caloocan, Muntinlupa, San Juan, Mandaluyong at bayan ng Pateros.
Pawang nagpasa ng kani-kanilang Smoke-Free and Vape-Free Ordinances ang natu-rang mga lungsod at bayan na inumpisahang ipatupad noong 2017. Matapos ang isang taong implementasyon, isinagawa na ang pag-aaral sa pagiging epektibo ng mga ordinansa.
Dito nadiskubre na ang mga residente at mga establisimiyento sa limang lugar sa Metro Manila ay pasado sa pagsunod sa mga panuntunan sa patalastas at promosyon, pagsunod sa ordinansa, pagtitinda at pagdisplay, at paggamit ng mga e-cigarettes at vape. Ngunit kailangang mapataas pa umano ang grado sa pagsunod sa paglalagay ng “pictorial health warnings, pagkakaroon ng “reporting officers” at dami ng mga nagtitinda ng sigarilyo na hindi sumusunod sa panuntunan.
Sinabi naman ni Dr. Loida Alzona, direktor ng MMDA Health and Environmental Protection Office (HEPO) na magsasagawa pa rin sila ng kahalintulad na pag-aaral sa iba pang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila para mabatid ang lebel ng pagtupad nila sa naturang polisiya.