MANILA, Philippines — Kulungan ang binagsakan ng dalawa sa apat na lalaking umupak umano sa isang pulis na nanita sa kanila dahil sa ingay na nililikha habang nag-iinuman sa kalsada, kahapon ng madaling araw sa Sta. Ana, Maynila.
Kinilala ang mga nadakip na sina Rogelio Bontoc, 21, ng Cromium Street, San Andres Bukid at Jefferson Gumapos, 21, kapwa estudyante, ng San Andres Bukid. Pinaghahanap naman ang kanilang kasamahan na sina Rommel Gramos at Matthew Cosme.
Sa ulat ng Sta. Ana Police Station, dakong alas-4:30 nang madaling araw nang magising sa pagkakatulog si PCpl Christian Colina, 28, may-asawa, nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD), dahil sa ingay na nililikha ng mga suspek na nag-iinuman sa gilid ng Road 3 Fabie Estate, Sta. Ana.
Lumabas ng bahay at sinita ni Colina ang mga suspek makaraang magpakilala na pulis. Ngunit sa halip na sundin ang pulis, minura ng suspek na si Bontoc si Colina at inatake siya dahilan nang pagkakasugat nito sa leeg. Sumakay naman ng motorsiklo sina Gramos at Cosme na tinangkang bundulin umano si Colina bago tumakas.
Nagawa namang maaresto ni Colina sina Bontoc at Gumapos at nadala sa istasyon ng pulisya sa tulong ng mga tauhan ng Sta. Ana Police Station na rumesponde sa lugar.