‘Road clearing 2.0,’ umarangkada na

MANILA, Philippines — Umarangkada nang muli kahapon ang 60-day nationwide road clearing operations o ‘Road clearing 2.0’ na ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGUs) sa bansa.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng DILG ang mga LGUs na tiyaking naoobserbahan ang minimum health standards sa pagsisimula nila ng road clearing operations sa kanilang nasasakupan upang matiyak na hindi ito mauuwi sa posibleng hawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, matapos ang walong buwang suspensiyon ng road clearing operations dahil sa global pandemic, nagpasya silang ipagpatuloy na itong muli sa buong bansa, maliban na lamang sa mga lugar na nasa ilalim pa ng enhanced at modified enhanced community quarantine (ECQ at MECQ), at maging sa mga lugar na nananatili pa ring baha dahil sa mga nakalipas na mga bagyo.

Alinsunod sa DILG Memorandum Circular (MC) No. 2020-145, lahat ng lugar na nasa ilalim na ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) ay dapat na magkaroon ng ‘full implementation’ ng road clearing operations, na nangangahulugang lahat ng components ng road clearing ay ipapatupad.

Sinabi ni Año na kabilang sa full implementation ang pag-aalis ng road at sidewalk obstructions, pagsasagawa ng road inventories, physical removal ng mga road obstructions nang walang pagtatangi sa property rights ng mga apektadong stakeholders, pagbuo at implementasyon ng displacement plans, rehabilitation, at maintenance ng mga nilinis na kalsada at paglikha ng isang grievance mechanism.

 

Show comments