MANILA, Philippines — Tiniyak ng PAGASA na bago pa man magpakawala ng tubig ang pamunuan ng Magat Dam ay inimpormahan na nila hinggil dito ang mga residenteng naninirahan sa tabi ng Cagayan River.
Ayon kay PAGASA hydrologist Edgar dela Cruz, nagtungo ang mga awtoridad sa mga concerned areas upang magbigay ng paabiso sa mga tao hinggil dito.
“‘Yung dam po kasi bago po ‘yan mag-release, ahead of time, ilang oras bago po ‘yan nagri-release, mga walo o 10 oras, talaga pong umiikot ‘yan na meron mga mobile car na umiikot nag-aanunsyo,” ani dela Cruz.
Nauna rito, nitong Sabado ay inihayag ni Mamba na nais ng kanyang mga constituents na idemanda ang pamunuan ng Magat Dam dahil sa taunang pagbaha na tumatama sa Cagayan.
Aniya, wala namang pakinabang ang mga residente sa Cagayan dahil ang pinapatubigan nito ay ang 80,000 hektarya sa Isabela, ngunit labis na perwisyo ang dulot nito sa kanila taun-taon.?Paglilinaw naman ni dela Cruz, ang mga pagbahang naranasan sa Cagayan ay hindi lamang dahil sa paglalabas ng tubig mula sa dam, kundi dahil na rin sa marami talagang ulan na ibinuhos ang bagyong Ulysses.
Paliwanag niya, kinakailangang buksan ang mga gate ng dam upang tiyakin ang integridad nito.
Kung hindi anya bubuksan ang mga gate ay posibleng masira ang dam dahil sa patuloy pa ring pagpasok ng tubig, na tiyak aniyang magdudulot ng mas malaking pinsala sa mga mamamayan.