MANILA, Philippines — Exempted na sa pagbabayad ng idle land taxes ang mga lupain sa Quezon City na ginagamit sa urban farming.
Ito ang magandang balita na inanunsyo ni QC Mayor Joy Belmonte kasunod ng pag-amyenda sa revenue code ng lungsod.
Nabatid na inaprubahan ng alkalde ang City Ordinance No. SP-2972 S-2020 na isinulong nina Majority Floor Leader Franz Pumaren at Councilors Victor Ferrer, Eric Medina at Donato “Donny” Matias kaugnay sa idle land tax exemptions.
Sa ilalim ng ordinansa, inamyendahan ang QC Revenue Code of 1993 upang palawigin ang idle land tax exemptions sa mga landowners na gumagamit ng kanilang “uncultivated at unimproved property” para sa urban gardening sa minimum na tatlong taon.
Iminamandato ng ordinansa na ang mga aktibidad ay dapat na umaani lamang ng mga produktong pang-agrikultural para sa personal o public consumption, bilang bahagi ng pagsusumikap na matiyak ang food supply stability sa lungsod, sa pakikipagtuwang sa Department of Agriculture (DA).
“This Ordinance provides a much-needed push to our urban agriculture advocacy to help boost food security for our citizens, especially during the pandemic,” ani Belmonte.