MANILA, Philippines — Isang manhunt operation ang iniutos ni National Capital Region Police Office Chief, P/Major General Debold Sinas laban sa isang babae at sa nobyo nitong pulis na natukoy ng Pasay City Police Station na responsable sa pamamaslang sa isang banyaga sa Pasay City, noong Oktubre 26.
Ang target ng manhunt ay kinilalang sina P/Corporal Leonel Abellera Layson, kasalukuyang nakatalaga sa Sub-Station 6, Muntinlupa City Police Station at Kathrina Fernandez, ng Brgy. Kaunlaran, Quezon City.
Nabatid sa police report na alas-11:28 ng gabi nang barilin ang biktimang si Divine Njua Komfun, alyas James, Cameroon national, sa harap ng convenience store sa Arnaiz Avenue, Roxas Boulevard Service Road, Pasay.
Sa imbestigasyon, alas- 8:00 ng gabi ng Oktubre 26 nang ibaba sa tapat ng convenience store ang Cameroonian ng kaniyang nobya at ibinaba rin ng biktima ang kaniyang 2 luggage bago sumakay sa isang Mazda CX7 na minamaneho ng isang Marcel Oum, alyas Steve, isa ring Cameroonian.
Ang dalawang banyaga ay nagcheck-in umano sa isang Inn sa Pasay.
Bandang alas-11:00 ng gabi, base sa kuha ng CCTV ng Inn, isang Pinay na sakay ng Mitsubishi Mirage na kulay gray ang dumating at pumasok sa inokupahang silid ng biktima at 20 minutos ang nakalipas ay lumabas ang dayuhan at naglakad sa R. Blvd. kung saan nadaanan pa umano nito ang nakaupo sa bench sa harap ng restaurant ang gunman.
Nakitang sinundan ng gunman ang biktima at bago pa makapasok sa convenience store ay malapitan siyang binaril bago sumakay sa isang nakaparadang sasakyan at tumakas.
Natukoy sa masusing pagsisiyasat na inupahan ni Katrina ang sasakyang ginamit ng gunman, nakita rin sa call log ng biktima ang mga tawag nito at ang gray Mitsubishi Mirage ay inarkila lang din niya.
Sinabi ng may-ari ng sasakyan na kasama ni Katrina ang isang lalaki na may nakasukbit na baril nang arkilahin ang sasakyan niya at positibo ring kinilala nang makita ng photocopy ng kuha ng CCTV.
Natuklasan din na madalas magtungo si Katrina sa Sub-station 6 ng Muntinlupa Police .
Hindi na makontak ng kaniyang hepe ang suspek na pulis kaya iniutos ang manhunt kasabay ng pagsuspinde sa kaniya sa Simple Neglect of Duty dahil hindi na nagdu-duty.