MANILA, Philippines — Unti-unti nang nalalansag ang tinaguriang ‘Tinga Drug Syndicate’ sa pagkaaresto sa isa na naman nilang miyembro at siyam na galamay nito na nasamsaman ng mahigit sa P20 milyon halaga ng shabu, sa isang operasyon sa Taguig.
Kaugnay nito, pina-purihan ng Taguig City government ang Taguig Police sa matagumpay na operasyon.
Ayon kay Taguig Mayor Lino Cayetano, ang pag-aresto at pag-kumpiska sa iligal na droga ay pruweba na ang lungsod ng Taguig ay seryoso sa kampanya ng pamahalaan kontra droga at hindi hadlang ang pandemya sa COVID-19 sa labang ito.
“Nais namin na ang bawat Taguigeño ay ligtas. Ibig sabihin nito ay gagawin namin ang kinakailangan, na saklaw ng batas, upang protektahan ang sambayanan hindi lamang sa COVID-19 kundi pati na rin sa iligal na droga at sa sindikato sa likod ng pagkalat nito,” wika ni Mayor Lino.
Saad pa ng alkalde na ang lokal na pamahalaan ng Taguig ay patuloy na sumusuporta sa puwersa ng pulisya sa kanilang mandato na ipatupad ang batas at arestuhin ang mga lumalabag at yumuyurak dito.
Agresibo at epektibo anya ang mga kampanya ng Taguig kontra iligal na droga kaya walang sinisino basta positibo sa ganitong sindikato ay dapat na masawata.
Naganap ang operasyon nitong Miyerkules sa Mariano St., Barangay Ususan bandang alas-5:30 ng hapon.
Nakilala ang mga nadakip na sina Patrick Ace Tinga, 24; at galamay na sina Jovy Cruz, 30; Elmer Bautista, 34; Wenston Ray Lopez, 20; Jessie Aviles, 24; Jomari Lopez, 19; Chris Klein Lopena, 19; Adrian dela Cruz, 22; John Paul Esteban, 26; at John Christian Roxas, 34. Dalawang menor de edad naman ang nasagip na ginagawang courier ng grupo.
Nasabat naman ang mahigit tatlong kilo ng shabu na nagkakahala-ga ng P20,400,000 at aabot sa 41.7 gramo ng marijuana na may hala-gang P50,040.
Nasabat din ng pulisya ang isang blue book ng kanilang mga kliyente sa bentahan ng droga.