MANILA, Philippines — Nalaglag sa kamay ng Taguig City Police ang isang notoryus na ‘tulak ‘na hinihinalang miyembro ng malaking sindikato ng ilegal na droga at 11 pang suspek sa ikinasang operasyon na nagresulta sa pagkakasabat sa higit P20 milyong halaga ng shabu, kamakalawa ng hapon sa naturang siyudad.
Nakilala ang naarestong target ng operasyon na si Patrick Ace Tinga, 24; habang nadakip din sina Tomy Jovy Cruz, 30; Elmer Bautista, 34; Winston Ray Lopez, 20; Jessie Aviles, 24; Jomari Lopez, 19; Chris Klein Lopena, 19; Adrian Dela Cruz, 22; John Paul Esteban, 26; John Christian Roxas, 34, at dalawang 17-anyos na lalaki.
Nabatid na ilan sa mga naaresto ay naaktuhan ng mga pulis na gumagamit ng ilegal na droga sa bahay na ginawang drug den ng suspek na si Tinga habang ang mga kabataang naaresto naman ay ginagamit bilang mga ‘drug runner’ at ‘delivery rider’.
Sa ulat, alas-5:30 ng Miyerkules ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit sa tapat ng isang bahay sa N P Mariano St., Brgy. Ususan, Taguig City.
Matagumpay na nakabili ang poseur buyer ng shabu sa grupo ng mga suspek. Matapos ang bentahan, dito na nagbigay ng hudyat ang buyer para lumantad na sa kanilang pinagkukublian ang mga armadong pulis at kornerin ang 12 suspek.
Nasabat ng mga pulis ang 30 piraso na ‘knot-tied large plastic sachets’ na naglalaman ng humigi’t kumulang na tatlong kilo ng hinihinalang shabu na may halagang P20,400,000 at 27 piraso ng plastic sachet na naglalaman naman ng kush marijuana na may timbang na 41.7 gramo at may katumbas na halagang P50,040.
Narekober din ang dalawang P100 bill na ginamit na marked money, pera na aabot sa P8,000, boodle money, tatlong timbangan, at dalawang cellular phone na gamit sa kanilang pakikipagtransaksyon.
Bukod sa Taguig, umaabot din ang lawak ng operasyon ni Tinga sa katabing lungsod ng Pasig, Makati, Parañaque, at Muntinlupa. Bahagi si Tinga ng notoryus na ‘Tinga Drug Group’.