QUEZON CITY, Philippines — Nakaposisyon na ang Urban Search and Rescue (USAR) teams ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council (QCDRRMC) sa mga critical areas bilang paghahanda sa inaasahang pananalanta ng bagyong Rolly.
Sa ginanap na pre-disaster risk assessment meeting ng QCDRRMC, napagkasunduan na ang USAR ay ilalagay sa mga lugar na madalas bahain kapag may kalamidad tulad ng Brgys. G. Araneta Avenue, Apolonio Samson, Tatalon, Sto. Domingo, at Del Monte.
“With Typhoon ‘Rolly’ expected to carry winds between 165 kph to 185 kph, we deemed it best to put our rescue teams on ready and on standby in flood- and disaster-prone areas,” pahayag ni DRRMO head Myke Marasigan.
Ang Social Services Development Department (SSDD) naman ay magde-deploy ng social workers at preposition soup kitchen at relief goods sa mga evacuation centers na posibleng dagsain ng mga evacuees mula sa mga binabahang lugar sa QC.
Ang Quezon City Police District (QCPD), Department of Public Order and Safety (DPOS) at City General Services Department (GSD) ang aasiste naman para sa paghahatid sa mga maiistranded na evacuees dahil sa baha.
Ang Parks Development and Administration Department (PDAD) naman ay pinaputol na ang malalagong dahon sa mga puno na nasa pangunahing lansangan upang makaiwas sa aksidente at maiwasan na maapektuhan ang mga linya ng kuryente.
Pinayuhan ni QC Mayor Joy Belmonte ang mga barangay officials na sundin ang health protocols sa evacuation centers para matiyak ang kaligtasan ng mga evacuees at frontliners.
“Residents are advised to call our Hotline 122 and we will immediately address your emergency concerns,” pahayag ni Belmonte.