MANILA, Philippines— Tumatanggap na muli ng mga pasyente ang Dr. Jose Fabella Memorial Hospital makaraang suspendihin ang serbisyo sa ilang department nito kaugnay sa pagkakaroon ng kaso ng COVID-19 ng healthcare workers dito.
Ayon kay Dr. Diana Rose Cajipe, hepe ng Public Information Office ng Fabella Hospital, bukas na muli ang admission ng OB Emergency Room at Pediatric Emergency Room o maaari na muling tumanggap ng pasyente, batay na rin sa naging pulong ng kanilang COVID-19 response team.
Gayunman, hindi naman 100 porsyentong bukas ang Out Patient Department.
Ang hakbang ay ginawa na rin para sa kaligtasan ng mga empleyado at mga pasyenteng ina at sanggol sa kilalang ospital-paanakan na matatagpuan sa Sta. Cruz, Maynila.
Ang mga doktor na nagpositibo sa COVID-19 ay naka-isolate pa rin at patuloy na nagpapagaling.
Bukod sa mga doktor, nabatid na mayroon ding isang nurse at dalawang nanay na pasyente ang nagpositibo sa COVID-19.
Sumailalim na sa swab test ang iba pang mga medical frontliners ng Fabella Hospital, sa tulong ng Philippine Red Cross.