MANILA, Philippines— Isang 58-anyos na Chinese national ang dinakip sa pagpapatakbo ng isang underground clinic kung saan nasamsam sa kanya ang iba’t ibang gamot at health products na may Chinese characters at labels, sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Makati City Police Station na pinangunahan ni P/Major Tyrone Valenzona, kasama ang mga kinatawan ng Makati City-Bureau of Permit and Licensing Office (BPLO), inaresto ang suspek na si He Pian Yun, sa kaniyang klinika sa 5th flr ng Oyo 196 Destiny hotel na matatagpuan sa Mariano St., Brgy. Poblacion, Makati City, alas-9:00 ng gabi kamakalawa.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa iligal na operasyon ng klinika, agad nagsagawa ng inspeksiyon sa lugar at napatunayang may ginagawang paglabag ang suspek sa Republic Act 9711 (Food and Drug Administration Act of 2009) dahil sa kawalan ng license to operate.
Ginagamit ng suspek ang kaniyang unit sa surgical procedures sa kaniyang mga kliyenteng kapwa Chinese national, at pagbebenta ng mga Chinese medicines at health products.