MANILA, Philippines — Nauna na ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila na itaas sa 30 porsyento ang kapasidad ng mga simbahan, mga mosque at iba pang mga chapels sa lungsod para sa kanilang iba’t ibang aktibidad.
Ito ay makaraang pirmahan kahapon ni Mayor Isko Moreno ang Executive Order No. 41 na naglalayong taasan ang kapasidad ng mga pagtitipong pang-relihiyon at mapalakas ang ‘spiritual well-being’ ng mga Manilenyo.
“There is a need for the city to address the spiritual needs of its constituents,” pag-amin ni Moreno kaya nagpalabas siya ng executive order.
Ngunit may limitasyon pa rin ito. Sa ilalim ng kautusan, tanging mga nasa pagitan ng edad na 18 hanggang 65 taong gulang lamang ang pinapayagan na makadalo sa mga pagtitipon sa mga pook-sambahan at mahigpit na ipinagbabawal ang mga menor-de-edad.
Ito ay sa kabila ng pagpayag na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na makalabas ang mga nasa edad 15-anyos pataas. Sinabi ni Moreno na may awtoridad ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng mas mataas na limitasyon sa edad ng mga lalabas ng bahay.
“All persons below 18 of age as well as those who are over 65 years old shall be required to remain in their residences at all times except when indispensable under the circumstances for obtaining essential goods and services, or for work in industries and offices or such other activities permitted by the Omnibus Guidelines on the Implementation of Community Quarantine in the Philippines, as amended,” nakasaad pa sa kautusan.
Pinaalalahanan naman ng alkalde ang mga pinuno ng mga relihiyon na tiyakin na sumusunod ang kanilang mga miyembro sa ‘minimum health standards’ at mga protocols na itinatakda ng pamahalaan para maiwasan ang pagkalat ng virus.