Presyo ng baboy sa Metro Manila, tumaas dahil sa ASF

Ayon kay Bureau of Animal Industry Director Ronnie Domingo, dahil sa takot sa ASF, may ilang livestock farmers ang nag-harvest ng maaga at ang iba naman ay huminto muna sa pag-aalaga ng baboy.
STAR/ File

MANILA, Philippines  — Tumaas ang presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan at palengke sa Metro Manila dahil sa bumabang produksiyon ng mga  livestock farmers sa  Southern at Central Luzon dulot nang pagsulpot ng  African Swine Fever  (ASF) sa ilang lalawigan sa bansa.

Ayon kay Bureau of Animal Industry Director Ronnie Domingo, dahil sa takot sa ASF, may ilang livestock farmers ang nag-harvest ng maaga at ang iba naman ay huminto muna sa pag-aalaga ng baboy.

Sa ngayon anya ay may tinatayang 20 percent ang ibinaba ng  produksiyon ng mga a­lagang baboy sa bansa.

Pinakaapektado umano ng ASF ang Central Luzon at Southern Tagalog kaya’t  ang ibang  baboy na ibinebenta sa Metro Manila ay mula na sa malalayong lugar at ito ang dahilan sa  pagtaas ng presyo dahil sa mataas na transportation cost.

Ang mga naaapektuhan ng ASF ay bibilang pa muna ng walong buwan bago makabalik sa pagnenegosyo ng mga alagaing baboy depende sa kanilang compliance para sa disinfection requirements.

Inamin  ni Agriculture Secretary William Dar  na lubhang may pagtaas talaga sa halaga ng karne ng baboy dahil sa layo ng pinagmumulan nito papasok ng Metro Manila.

Bukod sa local producers ng baboy, nag -iimport din ang ating bansa ng produktong karne ng baboy  sa mga bansang walang ASF.

Batay sa  latest suggested retail price ng DA, ang presyuhan ng karne ng baboy sa MM  ay P230 kada kilo ng  pork pigue at kasim at P250 kada kilo ng liempo.

Sa ulat sinasabing nasa P100 ang itinaas sa bawat kilo ng baboy.

Show comments