MANILA, Philippines — Patay ang isang 37-anyos na lalaki, habang sugatan naman ang kaniyang bayaw nang pagbabarilin ng di pa tukoy na mga suspek habang nagkakasiyahan sa isang party sa Balut, Tondo, Maynila .
Kinilala ang nasawi si Jay-R Castolome, ng Malaya St. Brgy. 124, Balut Tondo, Maynila.
Sugatan naman sa balikat ang bayaw ni Castolome na si Alfredo Roy Elgarico, 28.
Ang dalawang biktima ay sinasabing naging suspek sa magkasunod na paghagis ng granada sa dalawang presinto ng Manila Police District-Station 1 noong 2014 subalit nadismis ang kaso kaya sila napalaya.
Sa inisyal na ulat ng MPD-Station1, dakong alas-8:16 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahay ni Elgarico habang abala sa kasiyahan ang magbayaw nang dumating ang dalawang di pa kilalang lalaki at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga biktima.
Dead on the spot si Castolome habang ang sugatang si Elgarico naman ay isinugod sa Chinese General Hospital.
Nakatakas agad ang dalawang salarin sakay ng itim na SUV.
Abril 24, 2014 nang maaresto ang magbayaw sa isinagawang follow-up operation kaugnay sa paghahagis ng granada sa Smokey Mountain Police Community Precinct at Raxabago Police Station ng MPD-Station 1, kung saan sila ay nahulihan din ng iligal na droga at kalibre 45 baril. Gayunman, nadismis ang kaso.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng MPD-Homicide Section at MPD-Station 1 para matukoy ang motibo sa krimen.