Sa unang pagkakataon
MANILA, Philippines — Makaraan ang 10 taon paghihintay, natanggap na rin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang “Good Financial Housekeeping Award” mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) bilang pagkilala sa mga reporma sa pananalapi at paggastos ng pondo ng mga lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Mayor Isko Moreno na ito ang kauna-unahang pagtanggap ng naturang award ng Maynila mula nang umpisahang ipamigay ito ng DILG may 10 taon na ang nakalilipas.
Dahil dito, sinabi ni Moreno na naipakita ng lokal na pamahalaan ng Maynila na kaya nito na maging ‘transparent’ sa pananalapi at nagastos ng tama ang mga pondo sa mga nakaraang taon.
“Unang beses nating makuha ito sa buong kasaysayan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila. Last time, I already said that I will not tolerate a dismal performance from the City Government under my watch. We will always aim to do better for the Manileños,” ayon kay Moreno.
Ipinangako naman niya na hindi titigil ang kaniyang administrasyon sa tamang pamamalakad sa pondo sa pagbibigay ng mga makabuluhang serbisyo sa mga Manilenyo.
Ang “Good Financial Housekeeping Award” ay isa sa pangangailangan para makamit ng isang lokal na pamahalaan ang mas malaking gantimpala na “Seal of Good Local Governance (SGLG)” kung saan bukod sa pagkilala sa maayos na pamamahala ay binibigyan din ng insentibo ang mga LGU.