MANILA, Philippines — Ilang lugar sa Metro Manila ang binaha dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan kahapon na dala umano ng low pressure area na naging bagyong Nika at dulot din ng paghila ng Hanging Habagat.
Umabot sa hanggang beywang ang baha sa intersection ng E. Rodriguez Avenue at G. Araneta Avenue, sa Quezon City dakong alas -5:16 ng hapon na naging dahilan upang hindi makadaan ang lahat ng uri ng sasakyan.
Sa magkabilang lanes ng España St., sa Maynila naman ay umabot naman sa gutter deep na hindi rin passable ng lahat ng uri ng sasakyan bandang alas 4:50 ng hapon.
Sa EDSA northbound sa Quezon Avenue, Centris ay above gutter deep at hindi nadaanan ng lahat ng uri ng sasakyan bandang alas 4:02 ng hapon.
Habang sa EDSA rin sa bahagi naman ng Quezon Avenue MRT southbound ay passable naman kahit gutter deep ang baha alas- 4:02 ng hapon.
Sa EDSA northbound sa bahagi ng Oliveros ay above gutter deep at ‘not passable’
Nagpalala pa sa trapiko ang pagkasira ng isang kotse at isang truck dahil sa mechanical problems sa EDSA southbound, panulukan ng Ortigas Flyover at sa Edsa Aurora at P. Tuazon, soutbound, na kapwa isang lane ang naokupahan habang malakas ang pagbuhos ng ulan.
Dakong alas-3:30 nang umabot naman sa gutter deep ang dalawang lane sa EDSA southbound sa Kamuning na passable rin sa lahat ng sasakyan.
Bandang alas 5:00 ng hapon nang iulat naman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na humupa na ang baha sa EDSA southbound ng Quezon Ave MRT at sa EDSA northbound sa Santolan service road kaya passable na sa lahat ng uri ng sasakyan. Mataas din ang pagbaha sa Timog sa panulukan ng Scout Tobias kung saan ilang sasakyan ang naglutangan.